Isang mapagpalang araw po sa inyong lahat. Purihin ang Panginoong Diyos sa Kanyang walang humpay na pag-ibig sa atin. Ilang araw na lang at matatapos na ang buwan ng Mayo at papasok na ang buwan ng Hunyo.
Ano ang natanggap mo na biyaya mula sa ating Panginoong Diyos? Natatandaan po ba natin na lahat ng natanggap ay mula sa Diyos?
Ang mid-year bonus ay nagamit po natin sa pag-aaral ng ating mga anak, sa pagbili ng gadgets, appliances o ang iba naman ay inilagak sa investment o sa bangko. Ang magandang kalusugan at malakas na pangangatawan. Ang magulang, kapatid at kaibigan ay mga taong kaloob sa atin ng Panginoong Diyos upang tayo ay maging matatag sa buhay na harapin ang mga hamon at pagsubok. Marami po tayong dapat ipagpasalamat sa Panginoong Diyos.
Kaya po sa paggising natin sa umaga ay nananalangin po ang inyong lingkod at napapasalamat sa panibagong buhay at pagkakataon na gampanan ang tungkuling iniatas sa atin. Panibagong araw na kasama ang pamilya. Napakasaya ng buhay na kapiling ang asawa, mga anak, kaibigan na tumutulong sa atin. Nagsisilbi silang inspirasyon upang patuloy na magsikap sa buhay, na kahit anong hirap o may karamdaman man ay nilalabanan natin ito. May mga nagpatotoo na 50/50 ang tiyansang mabuhay dahil sa karamdaman, habang nakikita nila ang larawan ng pamilya ay nilalakasan nila ang kanilang loob para mabuhay. Sa tulong at biyaya ng Panginoong Diyos ay nagtagumpay sila sa karamdaman. Salamat sa kagalingan mula sa Panginoong Diyos.
Sa ating pagta-trabaho ay mayroong promosyon at pagtaas ng ranggo. Sa ilang taong pagsisikap ay nakakamit natin ang tagumpay. Dahil sa karunungan at kakayahang bigay sa atin ng Diyos. Ang pag-iingat Niya sa atin sa araw-araw, sa sakuna at masasamang loob. Ang pagtatalaga Niya sa atin na maging kaanib ng “Pambansang Pulisya,” na sa huling himlayan ay mayroong bandila ng Pilipinas. Opo, ikaw at ako ay isang bayani ng bayan.
Isang pribiliheyo na maglingkod sa bayan at pinagkalooban ng kapangyarihan na ipatupad ang batas, panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa ating bansa. Higit sa lahat ay maging tagapagtanggol ng mamamayan laban sa masasamang loob.
Marami tayong dapat ipagpasalamat sa ating Panginoong Diyos. Maaari mo itong isulat sa papel at sambitin ito habang tayo ay nananalangin. Pasasalamat na nauukol lamang sa Kanya. Kung ang mga tao na nasabihan natin ng “salamat” ay natutuwa at nagagalak, naniniwala akong gayundin ang Panginoong Diyos.
Sa ating pasasalamat sa Panginoong Diyos ay gumagawa tayo ng kabutihan sa ating kapwa lalo na ang kapos-palad. Nagbibigay tayo sa kapwa ng maluwag sa kalooban at maririnig natin sa kanila “salamat po”.
“Pinasasalamatan kita, at pinupuri kita, Oh ikaw na Dios ng aking mga magulang, na siyang nagbigay sa akin ng karunungan at lakas, at nagpatalastas ngayon sa akin ng ninais namin sa iyo; sapagka’t iyong ipinaalam sa amin ang bagay ng hari.” Daniel 2:23