Inaresto si Dr. Natividad Castro sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ni Judge Fernando Fudalan ng 10th Judicial Region, Regional Trial Court Branch 7 sa Bayugan City, Agusan Del Sur sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ang pagka-aresto kay Dr. Castro ay lehitimo at naaayon sa batas base sa kasong kriminal na isinampa sa kanya. Kami ay nananawagan sa Commission on Human Rights na maging patas sila sa kanilang mga press releases lalo na sa pagpapatupad ng Arrest Warrant kay Dr. Castro.
Biglaang konklusyon ang inilabas ng press statement ng CHR na “si Dr Castro ay na red-tagged…” at ang paggamit ng salitang “lumad” na naunang ginamit ng mga CPP- NPA- NDF sa pagtukoy sa mga indigenous people sa Mindanao.
Kami ay nananawagan sa CHR na kumilos nang maayos at walang kinikilingan sa kasong ito. Ang kanilang tinuran ay nagpapakita lamang ng pagiging bias. Habang ang CHR ay nagpakita ng matinding sigla at kasigasigan sa pagpuna sa mga posibleng paglabag ng mga kapulisan sa pagpapatupad nila ng Warrant of Arrest kay Dr. Castro, samantala hindi nila binibigyan ng naaangkop na pansin ang patuloy na pagpatay at pananambang na isinagawa ng CPP-NPA sa isla ng Negros nitong mga nakaraang Linggo na kung saan brutal na pinatay ang apat (4) na sibilyan at nagresulta naman sa pagkasugat ng limang (5) kapulisan.
Kami ay lubos na nalungkot sa katotohanang ang CHR ay di man lang nagbigay ng pahayag ng pagtuligsa sa intensyonal, planado at brutal na pagpatay sa mga sibilyan at ang paggamit ng mga anti-personnel mines sa Negros Occidental.
Binigyan niyo lamang ng maling impresyon ang mga Pilipino na kayo ay namimili sa pagbibigay ng press statement sa mga insidente na may kinalaman sa paglabag ng karapatang pantao.
Kami ay umaapela sa lahat ng mga Pilipino na suportahan ang ating pamahalaan at makipagtulungan dito sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga kalaban ng bayan at ang mga dahilan kung bakit patuloy nilang ginagawa ang paglalapastangan sa bansa sa mahigit limang dekada. Sa halip na depensahan ang mga terorista, ang dapat nating depensahan ay ang mga kabataan, at ang mga indigenous people kung saan, siyang pinakatarget ng mga komunistang grupo.
Kung gusto nating tuldukan ang 53 taong kalokohan ng rebeldeng CPP- NPA-NDF sa ating bayan, magkaisa tayong lahat sa pakikipaglaban bitbit ang hindi magagaping sandata, ang pagiging mapagmamahal sa bayan.
Source: Prosecutor 2 Flosemer Chris Gonzales-Spokesperson, RTF6-ELCAC
###
Panulat ni Patrolman Kher D Bargamento