Camp Crame, Quezon City – Matagumpay na inilunsad ng Pambansang Pulisya ang Revitalized PNP KASIMBAYANAN kasabay sa pagdaraos ng Traditional Monday Flag Raising Ceremony nitong Setyembre 19, 2022 sa PNP National Headquarters, Camp Crame, Quezon City.
Pinangunahan mismo ni PNP Chief General Rodolfo S Azurin Jr ang paglulunsad kasama si DILG Secretary Benjamin C. Abalos Jr, na kinatawanan ni Commissioner Alberto A Bernardo, bilang Guest of Honor and Speaker, mga matataas na opisyal ng PNP at ng mga lider at kinatawan mula sa iba’t ibang religious sector sa buong bansa.
Ang Revitalized PNP KASIMBAYANAN ay binubuo ng nagkakaisa at nagtutulungang Kapulisan, Simbahan at Pamayanan na may layuning pagyamanin at suportahan ang kasalukuyang PNP peace and security framework na M+K+K=K o ang Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan tungo sa Kaunlaran.
Mainit namang tinanggap at pinasalamatan ni Police General Azurin ang iba’t ibang religious leaders na dumalo at nakiisa sa paglulunsad, aniya, katuwang ng kapulisan ang simbahan sa pagkamit ng maayos at mapayapang pamayanan kung saan ang lahat ay may respeto sa kapwa at higit sa lahat may takot sa Diyos.
Kabilang sa itinampok sa naturang seremonya ang Pledge of Commitment at Ceremonial Signing na sinundan naman ng Pinning ng KASIMBAYANAN pin buttons sa lahat ng mga dumalo at nakibahagi sa makabuluhang paglulunsad ng programa.
Nagpahayag naman ng buong suporta ang mga religious leaders sa programa at tiniyak na magiging kaakibat sila sa Philippine National Police sa pagpapatupad ng mga programang may kaugnayan sa seguridad at isyung pangkapayapaan sa bansa.