Camp BGen Simeon A. Ola, Legaspi City – Matagumpay na inilunsad ng Police Regional Office 5 ang Revitalized PNP KASIMBAYANAN (KApulisan, SIMbahan at pamaYANAN) kasabay sa pagdaraos ng Traditional Monday Flag Raising Ceremony nito lamang Setyembre 26, 2022 sa PRO5 Grandstand, Camp BGen Simeon A. Ola, Legaspi City, Albay.
Pinangunahan ni PBGen Rudolph B Dimas, Regional Director ng PRO5, ang paglulunsad ng nasabing aktibidad kasama si Ginang Jhoade G Lucero, Assistant Regional Director ng Department of Interior and Local Government (DILG), Region 5 bilang Guest of Honor and Speaker, mga kinatawan mula sa iba’t ibang religious sector, mga sector ng pamayanan at kapulisan ng PRO5.
Ang Revitalized PNP KASIMBAYANAN ay binubuo ng nagkakaisa at nagtutulungang Kapulisan, Simbahan at Pamayanan na may layuning pagyamanin at suportahan ang kasalukuyang PNP peace and security framework na M+K+K=K o ang Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan tungo sa Kaunlaran.
Kabilang sa mga itinampok sa naturang seremonya ang Pledge of Commitment at Ceremonial Signing na nagpapakita ng pakikiisa ng iba’t ibang sektor sa nasabing programa at sinundan naman ng pagkakabit ng KASIMBAYANAN pin sa lahat ng mga dumalo at nakibahagi sa makabuluhang paglulunsad ng aktibidad.
Nagpahayag naman ng buong suporta ang mga religious leaders sa programa at tiniyak na magiging kaakibat sila ng PRO5 para lalo pang mapalakas ang pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng komunidad sa pagpapakita ng Malasakit, Kaayusan at Kapayapaan tungo sa inaasam na Kaunlaran.
Nagsagawa din ng KASIMBAYANAN forum ang mga dumalo sa nabanggit na aktibidad upang mas lalong maunawaan ang layunin ng proyekto sa pagsusulong ng PRO5 na palakasin ang ugnayan at pagkakaisa ng Kapulisan, Simbahan at Pamayanan upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa komunidad.
Panulat ni Pat Rodel Grecia