Timbog ang isang High Value Individual drug personality sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga operatiba ng Iloilo City Drug Enforcement Unit sa Brgy. South Baluarte, Molo, Iloilo City noong ika-28 ng Disyembre 2023.
Kinilala ni PLtCol Antonio Benitez Jr., Hepe ng Iloilo City Drug Enforcement Unit, ang naarestong drug personality na si alyas “Junjun”, 51-anyos, at residente ng Molo, Iloilo City.
Ayon kay PLtCol Benitez, narekober sa suspek ang 9 plastic sachet ng suspected shabu na may timbang na humigit-kumulang 80 gramo na nagkakahalaga ng Php544,000.
Napag-alaman din na ang suspek ay nahuli sa buy-bust operation noong 2020 at kakalabas lamang nitong taong 2023.
Dagdag pa ni PLtCol Benitez, kumukuha umano si alyas “Junjun” ng supply ng ilegal na droga sa isang nagngangalang alyas “Jovan” na nasa Bilibid at ibinebenta dito sa Iloilo City.
Balik sa kulungan ngayon ang nahuling suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng walang humpay na pagpapaigting ng kapulisan sa kampanya kontra ilegal na droga sa syudad ng Iloilo.