Higit na pinaigting ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 7 sa ilalim ng pamumuno ni PLtCol Ronan R Claravall, Force Commander ang kanilang kampanya kontra krimen at loose firearms kung saan noong Pebrero 18, 2022, dalawang kaso hinggil dito ang kanilang napagtagumpayan.
Kaugnay nga ng Intelligence Driven Law Enforcement and Combat Operation o “Coplan BIRA” ng RMFB 7 kasama ang iba pang mga awtoridad ay matagumpay na naaresto sa Siglo St., Barangay, Poblacion, San Jose, Negros Oriental ang Top 9 Most Wanted person na kinilalang si Rustom Gutual Fat na residente ng Guihulngan, Negros Oriental.
Ayon sa ulat, maliban sa kasong pagpatay na kinakaharap ni Fat ay napag-alaman na isa rin siya sa nasa Communist Terrorist Group (CTG) Priority list ng Police Regional Office (PRO) 7.
Agad namang dinala si Fat sa himpilan ng RMFB 7 para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Samantala, dahil naman sa tuloy-tuloy na kampanya kontra loose firearms ng mga kapulisan ng 702nd Maneuver Company, RMFB 7 mula Hulyo 2021 hanggang Pebrero 18 ng taong kasalukuyan ay matagumpay na narekober ang nasa kabuuang limampu’t siyam (59) na loose firearms at apat (4) na pampasabog sa lalawigan ng Bohol.
Ang patuloy na isinasagawang operasyon na ito ng mga kapulisan ay kaugnay din ng paghahanda para sa nalalapit na National and Local Elections 2022 upang matiyak ang mapayapa, maayos at seguridad ng bawat mamamayan sa kanilang nasasakupan.
###
Panunulat ni Pat. Edmersan Llapitan