Palawan – Naghandog ng regalong kalabaw ang mga tauhan ng 1st Palawan Provincial Mobile Force Company na pinangunahan ni Police Lieutenant Jason Tesorero, Platoon Leader sa isang magsasaka sa Sitio Saray, Barangay Inogbong, Bataraza, Palawan noong ika-5 ng Agosto 2023.
Habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng 1st Palawan Provincial Mobile Force Company ay naging agaw pansin sa kanila ang magsasaka na kinilalang si Arnel Kene, 25, residente ng Brgy. Malis, Bataraza, Palawan.
Si Arnel ay nagmula sa Brgy. Malis, Bataraza, Palawan, ngunit dahil sa pag-ibig pinili nitong sumama sa kanyang naging asawa na si Jing-jing at bumuo ng sariling pamilya at sila naman ay biniyayaan ng tatlong malulusog na anak.
Ayon kay Arnel, Grade 1 lamang ang kanyang natapos, kaya’t maaga siyang nagtrabaho upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Pagsasaka ang kanyang hanapbuhay, gamit ang kalabaw na pinahiram sa kanya ng may-ari ng sakahan. Isang daan hanggang tatlong daan piso ang kinikita ni arnel sa sakahan bawat araw, kung wala namang tag-ani, si Arnel ay nagpapabayad sa pagtatabas at pangongorte ng kawayan.
Noong malaman ng ating mga kapulisan ang nakakaantig na kwento ng buhay ni Arnel, di sila nagdalawang-isip na tumulong. Kaya’t agad silang naghanap ng kalabaw na iniregalo sa kanya na makakatulong din sa kanyang pagtatrabaho.
Nagpaabot din ang ating kapulisan ng tatlong-libo na pandagdag sa kanilang gastusin.
Patunay na ang kapulisan ng 1st Palawan PMFC sa pamumuno ni PLtCol Klinton Rex Jamorol, Force Commander ng 1st Palawan PMFC ay handang tumulong at maghahatid ng magandang serbisyo sa ating mga mamamayan.
Panulat ni Patrolman Erwin Calaus