Matapos ang limang buwan, matagumpay na naisagawa ang Recognition Rites ng PSBRC Class 2024-01 BAGSIK DIWA sa PTC BAR Grandstand, Camp BGen Salipada K. Pendatun, Parang, Maguindanao del Norte nito lamang ika-30 ng Mayo 2025.
Naging panauhing pandangal sa naturang seremonya si Police Brigadier General Alan B. Manibog, Deputy Regional Director for Administration ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PBGen Manibog ang kahalagahan ng pagpapanatili ng mga pangunahing pagpapahalaga ng Philippine National Police (PNP). Aniya, “Hinihikayat ko kayong patuloy na magsikap para sa kahusayan. Matuto mula sa inyong mga tagapagturo. Manatiling mapagpakumbaba. Gampanan ang inyong tungkulin nang may dedikasyon, katarungan, at paggalang sa karapatang pantao. Hayaan ninyo ang inyong disiplina ay sumasalamin sa mga halagang itinuro sa inyo sa panahon ng pagsasanay.”



May kabuuang 252 ang mga bagong Police Trainees na binubuo ng 222 na kalalakihan at 30 ng kababaihan. Sila ay nagpamalas ng angking lakas at galing sa pamamagitan ng pagtatanghal ng Field Stripping, Arnis at Riffle exercises.
Ang “BAGSIK DIWA” Class ay kumakatawan sa bagong henerasyon ng mga pulis na handang maglingkod nang may integridad, propesyonalismo, at walang kapantay na dedikasyon. Ang kanilang pagkilala ay isang mahalagang hakbang sa kanilang misyon na protektahan at paglingkuran ang mga komunidad ng Bangsamoro.
Panulat ni Pat Veronica Laggui