Naisakatuparan ang programang “Pulong-Pulong sa Bayan ni PD” sa pangunguna mismo ni Police Colonel Samuel S Delorino, Provincial Director ng Oriental Mindoro Police Provincial Office na ginanap sa Naujan Mena Gymnasium, Barangay Poblacion 1, Naujan, Oriental Mindoro nito lamang ika-17 ng Pebrero 2024.

Nasa mahigit 100 katao ang nakilahok sa aktibidad kabilang na ang barangay officials, Local Government Unit, miyembro ng iba’t ibang advocacy group, religious sectors, at mga kapulisan mula sa Provincial Mobile Force Company 4B na pinangasiwaan naman ng mga tauhan ng Naujan Municipal Police Station.

Ang nasabing programa ay isa sa mga best practices ng Oriental Mindoro PPO na inisyatibo ni PCol Delorino. Mithiin nito na maabot ang lahat ng komunidad sa lalawigan upang matalakay ang kasalukuyang sitwasyon ng katahimikan at kaayusan sa kani-kanilang munisipalidad. Gayundin, maipaabot sa mamamayan ang mga plano, programa, at mabigyang solusyon ang mga isyung karaniwang nararanasan ng pangkalahatang mamamayan.

Isinusulong ng adhikaing ito na patatagin ang pagtitiwala ng mamamayan, kapulisan, at pamahalaan sa isa’t isa para makamit ang isang maunlad na bansa tungo sa bagong Pilipinas.
Source: Oriental Mindoro PPO
Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadaña