Patay ang isang miyembro ng Philippine National Police matapos pagbabarilin pasado alas 6:00 ng gabi sa mismong parking area ng City Mall, Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City nito lamang ika-1 ng Disyembre 2024.


Kinilala ng Cotabato City Police Office ang bikitma na si Police Master Sergeant John Manuel Bongcawil, may asawa, nakatalaga sa Maguindanao del Norte Provincial Intelligence Unit at residente ng Parang, Maguindanao del Norte.
Pauwi na sana ang biktima kasama ang pamilya nito sakay ng kotseng Mitsubishi Mirage gray nang biglang dumating ang mga suspek at pinagbabaril ang biktima.
Sinubukan pang isugod sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival habang nasa ligtas na kalagayan naman ang pamilya nito.
Narekober naman mula sa crime scene ang 12 basyo at apat na balang hindi pumutok na pinaniniwalaang mula sa calibre 45 pistol na ginamit ng mga suspek sa pagpatay.
Posibleng may kaugnayan sa kanyang trabaho bilang operatiba ang motibo sa pamamaril.
Pahayag ni Police Colonel Michael John Mangahis, City Director ng Cotabato City Police Office, na hindi titigil ang Cotabato City PNP na hanapin ang mga suspek at mapanagot ito sa batas upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni PMSg Bongcawil.
Panulat ni Pat Veronica Laggui