Tacloban City -Pulis na sugatan matapos tambangan ng hinihinalang grupong NPA sa lalawigan ng Northern Samar ay binawian na ng buhay nitong Martes, Abril 5, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Bernard Banac, Regional Director, PRO 8, ang nasawing pulis na si Patrolman Rico Borja, 31, residente ng Brgy. Daganas, Catarman, Northern Samar at miyembro ng 1st Northern Samar Provincial Mobile Force Company (PMFC) na nakatalaga sa bayan Catubig bilang parte ng Community Support Program.
Ayon kay PBGen Banac, si Borja ay pumanaw bandang 9:45 ng gabi ng Martes, Abril 5, 2022 sa Northern Samar Provincial Hospital sa bayan ng Catarman matapos magtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.
Si Borja ay isa sa mga sugatan sa hanay ng PNP kasama ang isa pang pulis at tatlong sundalo na dinala sa ospital dahil sa pinsala ng pagsabog at engkwentro sa pagitan ng New People’s Army sa Barangay San Miguel, Las Navas noong Abril 4, 2022 na agad ikinasawi ng isa sa miyembro ng PNP na si Patrolman Harvie Lovino Jr.
Si PBGen Banac ay nagpaabot ng kanyang lubos na pakikiramay sa pamilya ni Patrolman Borja.
“Taos-puso kaming nakikiramay sa pamilya ni Patrolman Borja para sa kanyang hindi napapanahong pagkamatay. Ang kanyang katapangan sa pag-una sa serbisyo kaysa sa anumang bagay ay ginagawa siyang isang tunay na bayani. Alam kong walang makakatumbas sa kanyang biglaang pagkawala pero sigurado ako na mabibigyan ng hustisya sa tamang panahon,” saad ni PBGen Banac.
Ang PNP sa pamumuno ni PNP Chief, PGen Dionardo Carlos ay inatasan ang Police Regional Office 8 na magsagawa ng province wide pursuit operation sa Northern Samar upang mahuli ang mga teroristang grupo na responsible sa pagkamatay ng dalawang pulis.
###
Panulat ni Police Master Sergeant Leah Lyn Q Valero