Tuguegarao City – Isang pulis mula Dinapigue PNP ang nagpamalas ng katapangan upang masigurong ligtas ang mga pasahero habang inatake sa puso ang drayber na nagmamaneho ng bus sa Libag Sur, Tuguegarao City bandang 6:30 ng umaga nito lamang Miyerkules, Pebrero 8, 2023.
Kinilala ni Police Major Mervin Delos Santos, Chief of Police ng Dinapigue Police Station, ang nagpamalas ng katangi-tanging gawa na si Police Senior Master Sergeant Roland Gacal, 38 anyos, mula sa bayan ng San Isidro, Isabela at nakatalaga sa naturang istasyon.
Napag-alaman na nakaupo si PSMS Gacal sa likod ng driver nang biglang napansin ng pulis na nanginginig ang mga kamay ng drayber, biglang nanigas ang katawan, tumingala at bumula ang bibig.
Kaagad naman hinawi ni PSMS Gacal ang manibela subalit nakaapak pa rin ang paa ng drayber sa silinyador kaya hindi mahinto ang bus at hindi mahanap ang handbreak.
“Nanggigil sa manibela, ayaw niyang bitawan at mababangga na kami, nagdecide ako na sa pader ko na lang ibangga para walang mabangga na tao at sasakyan”, pahayag ni PSMS Gacal.
Nagpapatunay na ang ginawang hakbang ni PSMS Gacal ay sumasalamin sa pagpapakita ng malasakit na nakaangkla sa CPNP’s Peace at Security Framework na M+K+K=K o ang Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan tungo sa Kaunlaran at KASIMBAYANAN o Kapulisan, Simbahan, at Pamayanan Program na walang pinipiling oras ang pagtulong sa mamamayan upang masiguro ang kaligtasan at katahimikan ng ating pamayanan.
Panulat ni PSSg Grace Neville Ortiz