Inilunsad ng Cagayan Police Provincial Office (PPO) ang Project TOUR o Talakayan sa Radyo, Oportunidad na Magtanim, Ugnayan sa Barangay at Responsableng Bantay Turista na ginanap sa Camp Tirso H Gador, Tuguegarao City, Cagayan noong Oktubre 10, 2022.
Ayon kay Police Colonel Julio S Gorospe Jr., Officer-In-Charge ng Cagayan PPO, ang proyekto ay naaayon sa adhikain ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan para sa mas ligtas at makabuluhang karanasan ng mga turista sa probinsya.
Layon din ng proyekto na magpaabot ng dekalidad na serbisyo publiko, patuloy na paggabay at pagbibigay ng seguridad sa bawat Cagayano.
Samantala, magtutulungan ang Cagayan Tourist Police Unit, CPPO at Cagayan Tourism Office upang palaguin ang turismo sa lalawigan.
Dumalo sa aktibidad si Governor Manuel Mamba bilang panauhing pandangal kasama si Environmental Planning Jenifer Junio-Baquiran, Provincial Tourism Officer.
Ang Pambansang Pulisya ay magpapatuloy sa pagtulong sa ibang ahensya ng pamahalaan at mapanatili ang katahimikan at kaayusan upang makahikayat ng madami pang turista na bibisita sa bansa.
Source: Cagayan Police Provincial Office
Panulat ni Police Corporal Carla Mae P Canapi