Patuloy na binibigyang katuparan ng Police Regional Office 7 at National Police Commission ang paglulunsad ng Project Safety First sa iba’t ibang bahagi ng Central Visayas alinsunod sa pagdiriwang ng National Crime Prevention Week nito lamang Sabado, Setyembre 3, 2022 sa Barangay Poblacion Sport Complex, Cordova, Cebu.
Ang programa ay pinangunahan nina Police Colonel Antonietto Cañete, Chief, Regional Community Affairs and Development Unit 7 at Atty. Risty Sibay, Officer-In-Charge ng NAPOLCOM 7.
Dumalo rin sa naturang programa ang butihing alkalde ng Cordova na si Hon. Cesar Suan, mga miyembro ng Regional Police Community Affairs and Development Unit 7, Advocacy Support Groups, Force Multipliers, at maging ng ilang law enforcement agencies katulad ng PDEA, BFP, at BJMP.
Kabilang sa mga naging kaganapan sa aktibidad ay ang pamamahagi ng mga food packs, vitamins, tumblers, at hygiene kits at nasa mahigit 100 ang naging benepisyayo ng proyekto.
Nagkaroon din ng talakayan sa mga usapin patungkol sa Peace and Security Framework ni CPNP, Personality Safety Tips, Illegal Drugs, at Cybercrime na pinalawig at binigyang linaw ng mga inanyayahang mga naging tagapagsalita.
Samantala, sa pangwakas na mensahe ni Atty. Sibay, hinimok at muling ipinaalala nito sa lahat ng nakiisa at dumalo sa naturang proyekto ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pagsulong at pagkamit ng isang mapayapa at maunlad na pamayanan.
Kasabay ng pagsasagawa ng iba pang mga gawain sa naturang proyekto ay tiniyak ng grupo na sila’y babalik sa lugar para maghatid ng parehong serbisyo para sa ikalawang batch ng mga benepisyaryo ng proyekto.