Cebu City – Kaugnay sa selebrasyon ng 28th Police Community Relations Month, magkatuwang na inilunsad ng mga miyembro ng National Police Commission at Police Regional Office Central Visayas ang “Project Palangga” sa Little Lamb Center, Sawang Calero, Cebu City noong Hulyo 14, 2023.
Sa isang programa, malugod na ipinaabot ng mga miyembro ng naturang ahensya ang mga handog na food packs, toiletries, personal hygiene kits, at mga laruan sa mga tagapangalaga ng mga bata na naging benepisyaryo.
Nagpaabot din ng libreng medical check-up ang mga doctor at nars mula sa Vicente Sotto Hospital at Regional Medical and Dental Unit 7 na nakiisa sa aktibidad.
Ang makabuluhang aktibidad ay masugid na dinaluhan at sinuportahan ng mga miyembro at pamunuan ng NAPOLCOM 7 sa pangunguna ni Atty. Risty N Sibay, Officer-In-Charge; Regional Community Affairs and Development Division 7; Regional Police Community Affairs and Development Unit 7; City Community Affairs and Development Unit-Cebu City Police Office, Fraternal Order of Eagles, at ng Social Workers Missioners of the Poor Little Lamb Center.
Layunin ng proyekto na makapagpaabot ng tulong sa mga bata at maiparamdam ang nararapat na pagkalinga at pagmamahal sa pamamagitan ng mga serbisyo para sa kanilang kapakanan.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Police Brigadier General Anthony A Aberin, PRO7 Regional Director, na ang pagsisiskap na ito ay nagpapahiwatig sa pagkakaisa at matatag na supporta ng ahensya katuwang ang mga stakeholders upang makatulong sa mga nangangailangan.