Matagumpay ang muling paggulong ng Project ETNEB ng 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa kanilang “Saan Aabot Ang Bente Mo?” ETNEB Challenge Season 4 na ginanap sa kanilang pag-iikot sa lungsod ng Tuguegarao City, Cagayan nito lamang ika-1 ng Disyembre 2023.
Nakapagpaabot ng 20 Noche Buena packs ang mga kapulisan sa mga piling vendors, kutchero, delivery riders, security guards at mga nangangalakal.
Labis ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa maagang pamaskong kanilang natanggap mula sa mga kapulisan.
Ayon kay Police Major Rexon Casaway, Force Commander, ang proyektong ito ay nasa pang-apat na taon sa paghahandog ng kasiyahan sa mga Indigent Families sa kanilang nasasakupan lalo na ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.
Nagsimula ang Challenge noong December 2020 sa mga stakeholders, mga PNP personnel at mga nais magbahagi ng kanilang bente pesos bilang minimum donation at ang mga nalikom na halaga ay ibinili ng mga Noche Buena package at ibinibigay sa mga piling kapus-palad sa kanilang nasasakupan.
Samantala, pinuri ni Police Colonel Julio Gorospe Jr., Provincial Director ang 1st Cagayan PMFC na sinasalamin nila ang pagiging Makatao bilang isa sa PNP Core Values.
Ang hanay ng Pambansang Pulisya ay kaisa ng komunidad sa pagdiriwang ng kapaskuhan nang may pagmamahal, malasakit sa kapwa at kapayapaan.
Source: 1st Cagayan PMFC