Naglunsad ng Project A.W.A.R.E. (Always prepared and Watchful against all forms of Abuse and Ready to Eliminate cases of rape through martial arts) ang Tumauini PNP sa pangunguna ni Police Major Charles Cariño na ginanap sa Transformational Champion’s Lounge, District 1, Tumauini, Isabela noong ika-3 ng Disyembre 2022.
Katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Tumauini sa pangunguna ni Hon. Venus Bautista, Municipal Mayor sa paglulunsad ng naturang proyekto kasama ang Martial Arts Instructor ng Northern Luzon Master Taekwondo Training Center-Queen Isabela Defenders na nagturo sa mga kabataan ng pagsasanay sa martial arts.
Dumalo sa aktibidad si Police Major Amy M Dela Cruz, Chief, WCPD ng Isabela PPO kung saan tinalakay niya ang RA 8353 sa mga kabataan para sa dagdag kaalaman hinggil sa kanilang karapatan at mga dapat gawin kapag sila ay inabuso o pinagsamantalahan.
Ang naturang pagsasanay ng martial arts ay isa sa mga paraan upang mapag-aralan ang mga teknik kung paano protektahan ng bawat kabataan ang kanilang sarili laban sa mga mapagsamantalang tao na maaaring manakit o umabuso sa kanila.
Ang proyektong ito ay Best Practice ng Tumauini PNP na ang layunin ay matigil na ang paglaganap ng krimeng pang-aabuso sa mga kababaihan lalo na ang panggagahasa.
Ang kapulisan ay handang sugpuin ang mga masasamang gawain para sa kaayusan at kapayapaan ng komunidad.
Source: Tumauini Police Station
Panulat ni PSSg Jerlyn V Animos