Cebu City – Bilang bahagi ng hakbangin ng PNP para sa maayos at mapayapa na pagdaraos ng Semana Santa nitong taon, inilunsad ng Police Regional Office 7 ang “Bisikleta Iglesia” sa Camp Sergio Osmeña Sr., Cebu City, Huwebes, Abril 6, 2023.
Ang nasabing programa ay pinangunahan ng Deputy Regional Director for Operation, Police Colonel Noel S Flores sa direktang pangangasiwa ni Police Brigadier General Anthony Aberin, Regional Director, na masugid na sinuportahan at nilahukan ng mga miyembro ng Command Group, Regional Staff, Chief RSUs, at iba pang personnel ng PRO 7.
Ayon kay Police Colonel Flores, ang “Bisikleta Iglesia” ay isa sa mga programa na mula sa National Headquarters at inspired sa isa sa mga nakaugalian na ng mga Pilipino tuwing Semana Santa, ang “Bisita Iglesia”.
“This Bisikleta Iglesia is inspired by the traditions of the Catholic, with this, nag-organize tayo ng mga PNP personnel to secure and visit the churches wherein ngayon the convergence ng mga tao is concentrated on the churches and those on the terminals,” ani Police Colonel Flores.
Sa nasabing aktibidad ay binisita at sinuri ng kapulisan ang estado at sitwasyon ng mga bus terminal, simbahan, at iba pang installations lulan ng kani-kanilang mga bisikleta.
Maliban sa Regional Headquarters, ang kaparehong aktibidad ay isinagawa rin sa iba’t ibang himpilan ng kapulisan sa Central Visayas.
Kaugnay dito, una nang nagdeploy ang Police Regional Office 7 ng mga tauhan nito sa mga inaasahang dadagsahin ng mga tao kagaya ng mga terminal ng bus, pantalan, at mga pasyalan.
Hangad ng buong hanay ng Police Regional Office 7 na maging matiwasay ang pagdaraos ng kuwaresma sa rehiyon nitong taon. Kung kaya ang buong hanay ng pulisya ng Central Visayas ay puspusan sa pagsasatupad ng kanilang mga tungkulin at gampanin para sa tiyak na seguridad ng mamamayan.