Nagpatupad ng mas pinaigting na seguridad sa paggunita sa Semana Santa ang mga tauhan ng Police Regional Office 9 sa buong Zamboanga Peninsula upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko, lalo na ng mga debotong Kristiyano na lumalahok sa mga tradisyunal na aktibidad ng Semana Santa sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon nito lamang ika-17 ng Abril 2025.



Personal na nagsagawa ng inspeksyon si Police Brigadier General Roel C Rodolfo, Regional Director ng Police Regional Office 9, kasama si Police Colonel Fidel Fortaleza Jr. City Director Zamboanga City Police Office, Police Colonel Jonar R Yupio, RC, RHPU9 at LTFRB IX, sa Abong-Abong, Barangay Pasonanca, Zamboanga City, Integrated Bus Terminal, Pagadian City at Dipolog City — mga kilalang lugar na dinarayo ng libu-libong mananampalataya tuwing Mahal na Araw.
Layunin ng inspeksyon na tiyakin ang maayos na deployment ng mga kapulisan, ang pagkakalagay ng mga checkpoint, ang presensya ng mga mobile patrol, at ang kahandaan ng mga sistema para sa komunikasyon at emergency response.
Bahagi ito ng kabuuang hakbang upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa mga pampublikong lugar ng pananampalataya.
Ayon kay PBGen Rodolfo, ang nasabing inisyatibo ay patunay ng dedikasyon ng PRO9 sa pagpapanatili ng katahimikan at seguridad sa panahon ng Semana Santa.
“Nais naming matiyak na makakapagdasal at makakapagnilay ang ating mga kababayan nang ligtas at payapa,” pahayag ni Rodolfo.