Ipinag utos ni PBGen Prexy D. Tanggawohn ang paglikha ng isang Special Investigation Task Group o SITG upang mapabilis ang paglutas sa kaso ng pamamaslang sa isang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Buluan, Maguindanao del Sur kahapon, Setyembre 17, 2024.
Ang “SITG Alamada” na pinamumunuan ni PCol. Roel R. Sermese, Provicial Director ng Maguindanao del Sur PPO, ay inatasang magsagawa ng malalimang imbestigasyon ukol sa pagpatay kay Kgg. Mohamad Usman Alamada na nasawi nang pagbabarilin ng hindi pa natutukoy na mga suspect sa harap ng Buluan District Hospital sa Brgy. Poblacion, Buluan, Maguindanao del Sur.
Ayon sa paunang imbestigasyon, bandang 1:20 PM ng nasabing petsa, nakaupo sa loob ng kanyang resto si Kgg. Alamada nang pagbabarilin ng isang indibidwal na nakasakay sa isang itim na Toyota Avanza na mabilis ding umalis sa pinangyarihan ng krimen.
Dumating ang kapulisan tatlong minuto matapos makarating ang sumbong sa kanilang himpilan hinggil sa nangyaring pamamaril.
Dinala sa Buluan District Hospital ang biktima, ngunit idineklarang “dead on arrival” nang mamatay dahil sa iba’t ibang tama ng bala na tinamo niya sa katawan.
Nakuha naman sa pook ng krimen ang sampung naiputok na cartridge ng hindi pa natutukoy na kalibre ng bala.
Kasalukuyang namang nagsasagawa ang mga tauhan ng Maguindanao del Sur PPO ng manhunt operation at tracking upang mahuli ang nagsagawa ng karumal dumal na krimen laban sa isang naihalal na kawani ng gobyerno.
Samantala, sa kabila ng pangyayari, siniguro ni PBGen Tanggawohn ang kaligtasan ng mamamayan ng rehiyon ng Bangsamoro, gayundin ang pagdakip at pagpapanagot sa suspect sa lalong madaling panahon.
Kaugnay ng isinasagawang paghahanap sa suspect ay itinaas at hinigpitan ang seguridad sa mga lansangan.