Zamboanga City – Muling pinagtibay ng Police Regional Office 9 ang matatag na pangako sa pagsuporta at pagtangkilik sa batas sa lahat ng operasyon na pinapatupad ng Police Regional Office 11 sa paghahain ng Warrant of Arrest laban kay Pastor Apollo Quiboloy sa KOJC Compound, Davao City, yan ang naging opisyal na pahayag ng PRO 9 nito lamang Agosto 26, 2024.
“Ang aming pangunahing prinsipyo ay malinaw: sa bawat istasyon ng pulisya, mahigpit nating sundin ang mga Police Operational Procedures at laging kumilos batay sa matibay na legal na batayan,” pahayag ng Ama ng PRO 9 na si Police Brigadier General Bowenn Joey Masauding.
Ang Philippine National Police (PNP) ay may mandato na ipatupad ang batas. Kabilang dito ang pagsasakatuparan ng mga legal na isinagawang Warrant of Arrest mula sa isang may kapangyarihang hukuman. Ito ay sinumpaang tungkulin upang paglingkuran at protektahan ang taumbayan habang pinangangalagaan ang mga konstitusyonal na prinsipyo ng pantay na proteksyon sa ilalim ng batas.
“Ang PRO 9 ay may buong pagkakaisa sa PRO 11, na pinamunuan ni Police Brigadier General Nicolas Torre III, na nananatiling matatag sa kanilang pangako na dalhin ang mga fugitive sa hustisya. Kami ay nagpapahayag ng aming suporta sa aming mga kasamahang pulis na patuloy na ginagampanan ang tungkulin nang may integridad at katapatan,” dagdag ni RD Masauding.
Kasama ng mga payapa at sumusunod sa batas na mamamayan ng Mindanao, hinihikayat ng Police Regional Office 9 ang mga Pilipino na manalangin para sa kapayapaan, katarungan, at pagpapatupad ng batas.