Pinangunahan ng Police Regional Office 2 sa pamumuno ni Police Brigadier General Percival Antolin Rumbaoa, Regional Director, ang pagsira ng mga ilegal na paputok at pyrotechnics ngayong araw, Enero 6, 2023 na ginanap sa PRO 2 Grandstand, Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City, Cagayan.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang 2,286 piraso ng ilegal na paputok at pyrotechnics na nagkakahalaga ng Php46,314 mula Disyembre 31, 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Kabilang sa mga nasamsam ay watusi, picolo, poppop, five star, pla pla, lolo thunder, giant bawang, giant whistle bomb, atomic bomb (super lolo), atomic triangle (goodbye bading), large size judas belt (goodbye philippines), goodbye de lima (bin laden), hello columbia (mother rockets), goodbye napoles (coke in can), super yolanda (pillbox), mother rockets (boga), kwitis (kabasi).
Samantala, nagkaroon na rin ng unang yugto ng pagsira ng mga nasamsam na ilegal na paputok noong Disyembre 30, 2022 at tinatayang nasa Php59,715 halaga.
Nauna nang iginiit ni Acting RD Rumbaoa na ang matagumpay na pagkakakumpiska sa nasabing ilegal na paputok ay resulta ng mga serye ng operasyon na isinagawa ng PNP kaugnay sa mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 7183 o Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Devices.
‘’Hinihikayat namin ang taumbayan na makiisa upang makamit ang isang payapa, ligtas at tahimik na rehiyon 2 sa kabila ng mga pagsubok na ating haharapin, dagdag ni ARD Rumbaoa.
Naging matagumpay ang aktibidad kasama ang mga tauhan ng Regional Civil Security Unit 2 (RCSU 2) at Bureau of Fire Protection bilang pagtalima sa ”Ligtas Paskuhan 2022′.
Source: PRO2 RPIO
Panulat ni Police Corporal Carla Mae P Canapi