Alinsunod sa layunin ng Police Regional Office 2 sa zero-casualty record sa firecracker-related incidents, pinangunahan ni Police Brigadier General Christopher Birung, Regional Director, ang pagsira at pagtatapon ng mga nakumpiskang ilegal na paputok sa iba’t ibang lugar sa Cagayan Valley na ginanap sa PRO2 Grandstand Camp Marcelo A Adduru, Tuguegarao City, Cagayan nito lamang Disyembre 27, 2023.
Kabilang sa mga nakumpiskang kontrabando ay kinabibilangan ng Pla-pla, Super Lolo, Lolo Thunder, Five Star, Boga, Fountain, Kwiton, Kwitis, Judas Belt, Whistle Bomb, Bawang, Piccolo, One Star, Dancing Dragon, at iba pa. Ang mga nasabat na paputok ay umabot sa Php31,121.

Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng Bureau of Fire Protection Region 2, mga miyembro ng Command Group, Regional Staff at mga tauhan ng PRO 2 alinsunod sa pagpapatupad ng “Ligtas Paskuhan 2023″ Operational Guidelines na naglalayong mapanatili ang zero-casualty.

Ayon kay PBGen Birung sa kanyang talumpati, mahalagang unahin ang kaligtasan sa pagsalubong ng panibagong taon. Pinayuhan din niya ang mga tao na iwasan ang pagtangkilik sa mga ilegal na paputok at pyrotechnic device sa halip ay gumamit ng alternatibong paraan o manood ng fireworks display sa mga itinalagang lugar ng Local Government Unit.
Mahalagang mabatid sa publiko ang mahigpit na pagsunod sa Executive Order No. 28 na kilala bilang “Providing for the Regulation and Control of the Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Devices” at Republic Act 7183 o “An Act Regulating the Sale, Manufacture, Pamamahagi at Paggamit ng mga Paputok at iba pang Pyrotechnic Devices” upang maiwasan ang insidenteng may kinalaman sa paputok.
Source: PRO2
Panulat ni PSSg Jermae D Javier