Nauna ng nagsagawa ng inspection at community awareness at information drive ang mga tauhan ng Catanduanes Police Provincial Office (CATPPO) kahapon, Setyembre 1, 2024, bilang bahagi sa kanilang komprehensibong paghahanda sa hagupit ni Bagyong Enteng na patuloy pang nananalasa ngayong araw sa naturang lalawigan at kalapit na mga bayan.

Pinangunahan ni Police Colonel Edward D Quijano, Provincial Director, ang naturang paghahanda kasabay ng accounting ng naturang opisina sa kanilang Reactionary Standby Support Force (RSSF). Nagkaroon din ng inspection ng mga blue box upang masiguro ang kahandaan ng lahat ng emergency equipment at iba pang mga kagamitan sakaling kinakailangan.

Tuloy-tuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Catanduanes Police sa lahat ng mga ahensya sa bawat bayan sa kanilang probinsya upang mas mapalawak pa ang paghahatid nila ng agarang impormasyon at update pati na rin ang pagbibigay ng emergency assistance sa panahon ng pananalasa ni Bagyong Enteng. Kabilang na riyan ang Municipal Risk Reduction and Management Offices (MRRMOs), Philippine Coast Guard, at iba pang concerned local government offices.

Dagdag pa ni PCol Quijano, na tuloy-tuloy pa rin ang kanilang monitoring sa lahat ng kanilang mga nasasakupan lalo na ang mga residenteng nakatira sa mababa at bahaing lugar at pinaalalahanan na manatiling alerto sa lahat ng advisories na ilalabas ng kani-kanilang lokal na pamahalaan.