Quezon City — Matagumpay na isinakatuparan ng Pambansang Pulisya ang Pre-Launching ng Bagong Pilipinas Campaign kung saan nagtipon-tipon ang mga tauhan ng himpilan mula sa iba’t ibang National Support Unit at D-Staff nito lamang Enero 24, 2024 na ginanap sa PNP National Headquarters, Camp Crame, Quezon City.
Ang naturang Pre-Launching ay inisyatibo ng PNP na may layuning ipakita ang pakikiisa at dedikasyon ng buong himpilan para sa kampanya ng pamahalaan tungo sa maunlad at progresibong Pilipinas.

Ito rin ang magiging hudyat sa pagsisimula ng buong hanay sa pagpapatupad ng mga programang naaayon sa hangarin at mithiin ng Bagong Pilipinas Campaign partikular na sa kahusayan (excellence), pagiging makabayan (patriotic), at tamang disiplina (discipline).

Hinimok naman ni Police General Benjamin Acorda Jr ang buong hanay na magkaisa para sa panawagan ng pamahalaan ng isang makabagong bansa sa pamamagitan ng pagsasapuso at pagsasabuhay bilang isang “Bagong Pulis, Para Sa Bagong Pilipinas.”

Samantala dumalo naman sa nasabing paglulunsad si Director General Ricardo F De Leon, Ph.D., Chairperson ng National Advisory Group on Transformational Police Development (NAGTPD) na siya namang nanguna sa pagpapaabot ng Message of Support para sa PNP sa mga programa nito.

Kabilang sa mga itinampok sa nasabing kaganapan ang katutubong sayaw na inihandog ng PNP Dance and Fitness Team, at Martial Arts Demonstrations ng HSS Martial Arts Team, NPTI Arnis Team at SAF Combat Kali Team.
Sinundan naman ito ng symbolic pinning ng Bagong Pilipinas Badge at Lighting of Torch.