Sa isang seremonya na ginanap sa PRO BAR Lounge sa Camp BGen. Salipada K. Pendatun sa Parang, Maguindanao del Norte, pormal na sumuko at nagbalik-loob sa gobyerno ang mga miyembro ng isang potential private armed group (PPAG) sa mga kapulisan kahapon, Setyembre 23, 2024.
Ang Mamadra Group na itinatag noong 2013 at may humigit kumulang anim na armas ay sumuko sa kapulisan na nasa ilalim ng pamumuno ni PRO BAR Director PBGen Prexy D. Tanggawohn.
Ang naturang grupo ay pawang gumagalaw sa mga barangay ng Balut at Bungabong sa Sultan Mastura, Maguindanao del Norte.
Ang pagtalima ng nasabing grupo sa panawagang magbalik-loob sa pamahalaan ay nasaksihan mismo ng alkalde ng Sultan Mastura na si Kgg. Zulfikar Ali H. Panda, Sr. at PBGen Romaldo G. Bayting, Deputy Commander ng Area Police Command-Western Mindanao.
Sa nasabing pangyayari, pinasalamatan ni PBGen Tanggawohn ang mga miyembro ng pangkat Mamadra sa kanilang pagsuko, gayundin ang lokal na pamahalaan ng Sultan Mastura at iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan.
“With our unwavering efforts and the support of other law enforcement agencies, the local government units, and concerned citizens, we have finally programmed the surrender of the Mamadra Potential Private Armed Group (Dahil sa ating walang tigil na pagsisikap at sa pagsuporta ng iba’t ibang ahensya na tagapagpatupad ng batas, mga lokal na pamahalaan, at mga nagmamalasakit na mamamayan, naisakatuparan na natin ang pagsuko ng Mamadra Potential Private Armed Group).”
“Maraming salamat din po sa tiwalang iniyong binigay sa PNP para sa inyong desidido at maayos na pagsuko ng inyong mga sarili kasama ng inyong mga baril; nawa’y magsilbi itong panimula para sa inyong maayos at tahimik na pamumuhay kasama ang ating pamayanan,” saad ni PBGen Tanggawohn.
Ayon sa pulisya, ang pagkakabuwag at pagsuko ng mga miyembro ng nasabing PPAG ay bunga ng maigting na kampanya ng kapulisan, katuwang ang pamayanan, laban sa kriminalidad.
Hinihikayat naman ang lahat ng mga mamamayan ng BARMM na makipagtulungan sa kapulisan sa paglaban sa krimen at maging aktibo sa mga inisyatibo tungo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.