Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa mga kapulisan sa Metro Manila na paigtingin pa ang kanilang presensya sa mga pasyalan ngayong nakataas ang Alert Level 4 sa National Capital Region.
Muling nang binuksan sa publiko ang Rizal Park sa Manila kung saan 500 katao ang pinapayagang pumasok, ayon sa Department of Tourism. Balik-operasyon na din ang ilang lugar sa Intramuros ngunit sa limitadong oras lamang.
Ayon kay PGen Eleazar, ang presensya ng mga pulis ay magsisilbing paalala sa mga mamamasyal na panatilihin ang pagprotekta sa kanilang sarili at mga kasamahan nila.
“These new quarantine rules are the balance between containing the spread of the disease and reviving the economy, and eventually will lead us back to normalization. Kaya ang tagumpay ng mga patakarang ito ay nakasalalay din sa compliance ng ating mga kababayan,” paliwanag ng hepe.
Sa ilalim ng Alert Level 4, hindi pinapayagang lumabas ng bahay ang 18-anyos pababa, 65-anyos pataas, mga may immunodeficiencies, comorbidities, at mga buntis.
Papayagan lang ang paglabas ng bahay upang bumili ng mga pangunahing pangangailangan at mga serbisyo o pumasok ng trabaho.
Bukod sa pagbubukas ng mga lugar-pasyalan, unti-unti nang na ring nagbubukas ang mga restaurant at ibang business establishments.
Hinihikayat naman ang lahat ng restaurants at business establishments na tingnan ang vaccination cards ng kanilang mga customer.