Silang, Cavite – Nagwagi ang Philippine National Police Academy sa isinagawang International Humanitarian Law Role Play Challenge sa National Moot Court Competition 2022 na ginanap sa Manila Adventist College nito lamang Oktubre 10-14, 2022.
Ayon kay Police Brigadier General Eric Noble, Director ng PNPA, tanging ang akademya lang ang nag-iisang non-law school at 10 kadete ang lumahok sa nabanggit na kompetisyon.
Dagdag pa ni PBGen Noble, tinalo ng PNPA ang 10 iba pang tanyag at nangungunang mga kolehiyo o unibersidad sa batas sa buong bansa.
Masigasig, buong tapang at may paninindigang sinulong ng mga kadete ang quarter final round sa ibinigay na kaso para sa pag-uusig at depensa sa harap ng mga kinikilalang hukom mula sa iba’t ibang pananaw: legal, militar, at sibilyan.
Layunin nitong ipamalas ang kagalingan at kahusayan ng mga susunod na lider ng pulisya hindi lamang sa pagpapatupad ng batas para sa bansa, kundi tagapagtaguyod din ng hustisya.
Source: Philippine National Police Academy
Panulat ni Police Staff Sergeant Donabel Dulin