PNPA Alumni, nagkaisa sa ika-46 Grand Homecoming; PNP Chief Nartatez, palalakasin ang pagsasanay ng mga susunod na lider

0
300

Nagtipon-tipon ang mga alumni ng Philippine National Police Academy (PNPA) noong Marso 14, 2026 sa Camp General Mariano N. Castañeda upang ipagdiwang ang ika-46 na PNPA Grand Alumni Homecoming na may temang “Isang Asosasyon, Bihirang Pagkakataon, Pag-asa ng Bagong Henerasyon.” Ang taunang pagtitipon ay nagsilbing mahalagang pagkakataon para sa muling pagsasama-sama ng mga dating kadete at opisyal na nagsilbi sa iba’t ibang sangay ng serbisyong pang-seguridad ng bansa.

Dumalo bilang panauhing pandangal at tagapagsalita si PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang kasalukuyang hepe ng Philippine National Police (PNP). Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya ang patuloy na suporta ng pamunuan ng PNP sa pagpapaunlad ng PNPA sa pamamagitan ng mga proyekto at karagdagang mapagkukunan para sa pagsasanay ng mga magiging lider ng organisasyon. Ayon sa kanya, mahalagang papel ang ginagampanan ng akademya sa paghubog ng mga disiplinado, may kakayahan, at may malasakit sa serbisyong pampubliko na mga opisyal ng pulisya.

Ipinahayag din ni PGen Nartatez na kanyang isusulong ang makabuluhang mga reporma sa akademya habang siya ay nanunungkulan bilang pinuno ng PNP. Kabilang sa mga prayoridad ang pagpapahusay ng mga pasilidad, pagpapalakas ng kalidad ng pagsasanay, at pagpapaunlad ng programang pang-liderato para sa mga kadete. Binigyang-diin niya na hindi lamang ito mananatiling plano kundi mga konkretong hakbang na ipatutupad upang mas mapatatag ang pundasyon ng PNPA.

“Let me assure all of you today that while I serve as the Chief of the Philippine National Police, I will continue to push for meaningful improvements in the PNPA. Hindi ito mananatiling plano lamang—we will move these initiatives forward, from improving facilities to strengthening training and leadership development,” ani PGen Nartatez.

Pinunto rin ng PNP Chief ang kahalagahan ng disiplina na nakabatay sa integridad at sa Cadet Honor Code ng akademya. Ayon sa kanya, ang katapatan, pagiging patas, at personal na pananagutan ang dapat maging gabay ng bawat kadete sa loob at labas ng institusyon.

Kasabay nito, mariin niyang tinuligsa ang hazing at anumang uri ng pang-aabuso na itinatago sa likod ng tradisyon, at iginiit na ang tunay na pagkakapatiran sa serbisyo ng pulisya ay nabubuo sa respeto, disiplina, at kolektibong responsibilidad. Aniya, “Iwasan na natin iyan at tanggalin na natin iyan. True brotherhood in the police service is not built through fear, pain, or humiliation, but through mutual respect, discipline, and shared responsibility.”

Sa kabuuan, nagsilbing makabuluhang pagtitipon ang ika-46 na PNPA Grand Alumni Homecoming upang palakasin ang ugnayan at pagkakaisa ng komunidad ng PNPA. Nagsilbi rin itong inspirasyon sa bagong henerasyon ng mga kadete upang ipagpatuloy ang mga pagpapahalaga ng dangal, serbisyo, at kahusayan—mga prinsipyong patuloy na gumagabay sa paghubog ng mga lider para sa serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.

Source: PNPA FB Page

Leave a Reply