Camp Crame, Quezon City – Pinangunahan ni Philippine National Police Chief, Police General Dionardo Carlos ang pagbibigay parangal sa PNP Water Cops kasabay ng pagdaraos ng Traditional Monday Flag Raising Ceremony nitong umaga ng Lunes, Marso 21, 2022 na ginanap sa PNP National Headquarters, Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Kamakailan lang nakabalik ang grupo mula sa Visayas matapos ang halos dalawang buwang pamamalagi roon upang makatulong sa mga nasalanta ng bagyo lulan sa tatlong Search and Rescue Vehicles (SAR) with water desalination machine noong Disyembre ng nakaraang taon.
Tinatayang nakapagpaabot ang PNP Water Cops ng higit 7,680 gallons ng malinis na tubig inumin mula sa tubig alat sa halos 3,046 katao sa Rehiyon VII at Rehiyon VIII.
Ang naturang grupo ay binubuo ng 17 PNP personnel mula sa Special Action Force, Police Regional Office 2 at Police Regional Office 5.
Bilang pagkilala sa kanilang natatanging kabayanihang ibinahagi, ginawaran ang 17 miyembro ng PNP Water Cops ng Medalya sa Pagtulong sa Nasalanta na ibinigay mismo ni Police General Carlos.
Samantala, pinuri naman ni Police General Carlos ang grupo at pinasalamatan sa kanilang natatanging kabayanihan, aniya, “Ang inyong pagtulong lalo na sa mga nasalanta nating kapwa Pilipino ay isang patunay na ang ating kapulisan ay lubos na maaasahan sa lahat ng oras, hindi lamang sa aspeto ng pagbibigay seguridad laban sa kriminalidad kundi pati na rin sa panahon ng kalamidad, sakuna, trahedya at pandemya ay talaga naman pong laging alerto 24 oras, yan ang tunay na Police at your Service.”
###