Lubos ang pasasalamat ng Philippine National Police (PNP) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpirma sa Republic Act No. 12177—isang makasaysayang batas na nagbibigay ng libreng legal assistance sa lahat ng military at uniformed personnel (MUPs) na nahaharap sa kaso dahil sa kanilang legal na pagtupad sa tungkulin.
Ang bagong batas na ito na bahagi ng Common Legislative Agenda ay matagal nang inaasam at malaking tulong para sa mga uniformed personnel na araw-araw na nagsasakripisyo para sa kaligtasan ng ating mga komunidad.
Sa ilalim ng RA 12177, sasagutin ng gobyerno ang lahat ng legal na gastusin—mula sa court representation, legal advice, paggawa ng legal documents, hanggang sa filing fees—para sa mga uniformed personnel na nasasangkot sa kaso habang ginagampanan ang kanilang trabaho. Kasama rito ang active, retired, o honorably separated na miyembro ng Armed Forces of the Philippines, PNP, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Coast Guard, Bureau of Corrections, at NAMRIA – Hydrography Branch.
“Hindi lang ito simpleng batas—ito ay moral na paninindigan ng gobyerno para protektahan ang mga naglilingkod sa bayan,” ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco D. Marbil. “Hindi nag-iisa ang ating mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Kasama nila ang buong estado.”
Ang legal aid ay para lamang sa mga kasong malinaw na may kaugnayan sa kanilang pagtupad sa tungkulin. Responsibilidad ng legal office ng bawat ahensya na magsuri at magdesisyon kung karapat-dapat sa tulong.
Dagdag pa rito, inaatasan ng batas ang mga pinuno ng ahensya na tumugon sa loob ng 24 oras sa anumang abiso ng kaso para hindi maantala ang legal assistance.
Ang pinaka-importante ay may pondo nang naka-allocate para sa implementasyon ng batas, kaya wala nang alalahanin sa gastusin ang ating mga pulis.
“Malaking panalo ito para sa bawat pulis na matapat na naglilingkod kahit may panganib,” dagdag pa ni PGen Marbil. “Maraming salamat sa ating Pangulo, sa mga mambabatas, at sa lahat ng tumulong para maisabatas ito. Binigyan ninyo ng proteksyong legal at kapanatagan ng loob ang ating mga tauhan.”
Muling pinagtitibay ng PNP ang pananagutan nitong ipatupad ang batas, habang buong suporta nitong tinutulungan ang mga personnel sa kanilang tungkulin na maglingkod at magprotekta sa bawat mamamayang Pilipino.
Source: PNP FB Page