Suportado ng buong pwersa ng Philippine National Police (PNP) ang mas pinalawak na kampanya ng national government kontra misinformation at fake news.
Sa isang pahayag, sinabi ng PNP na nai-streamline na nito ang mga operasyon nito upang mas mapagtibay pa ang pakikipagtulungan sa pagitan ng Presidential Communications Office (PCO) at iba pang mga newspaper outlets upang labanan ang mga tahasang nagpapakalat ng maling impormasyon, partikular na sa social media.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C Nartatez Jr., handa ang pulisya na magbigay ng technical at enforcement support kaugnay sa nasabing pakikipagtulungan.
“We are intensifying our 24/7 cyber patrolling, and we are prepared to link our monitoring systems with the Anti-Fake News Desk of the Presidential Communications Office for faster response,” dagdag pa niya.
Bukod pa rito, binigyang-diin ni PGen Nartatez na ang paglaban sa maling impormasyon ay nagsisimula sa mismong mga lokal na komunidad kaya hinikayat niya ang lahat ng mga yunit ng pulisya na gamitin ang kanilang mga opisyal na social media pages upang agad itama ang mga maling impormasyong tahasang ipinakakalat.
“Spreading fake news and wrong and malicious information is not only a public safety concern but could also involve national security matters. We will continue to do our part in ensuring the protection of the public in cyberspace,” saad pa ni PGen Nartatez.
Matatandaang nito lamang Miyerkules, nagkaroon ng signing ng isang Memorandum of Understanding sa pagitan ng PCO at ng mga pangunahing newspaper organizations sa bansa upang labanan ang misinformation at disinformation sa lahat ng mga digital platforms.



