Sinampahan na ng PNP ng criminal complaint ang Vlogger na nagkalat ng fake news tungkol sa paglusob ng mga authoridad sa tahanan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Davao City noong ika-6 ng Mayo 2025 sa Hall of Justice ng Ecoland, Davao City, Davao del Sur.
Sa tulong ng PNP Regional Anti-Cybercrime Unit 11 (RACU 11), isinampa ng Police Regional Office 11 (PRO11) ang reklamo dulot ng malinaw na paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code (Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances), kaugnay ng Section 6 ng Republic Act 10175, ang “Cybercrime Prevention Act of 2012”.
Ang reklamo ay tumutukoy sa umano’y “fake news” sa operasyong isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Special Action Force (SAF), kung saan maling ipinahayag na humigit-kumulang 30 tauhan ng CIDG at 90 SAF officers mula Luzon ang nagsagawa ng raid sa tahanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City noong gabi ng Abril 30.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng paglulunsad ng PNP ng Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC) na naglalayong sugpuin ang sinadyang pagkalat ng disinformation at maling impormasyon sa iba’t ibang media platforms.
Pinapaalalahanan ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil ang publiko, maging ang buong kapulisan, na maging responsible sa pagbabahagi ng tamang impormasyon.
“Ang kalayaan sa pagpapahayag ay hindi ibig sabihin ay kalayaan na sa pananagutan. Magpapatuloy ang PNP sa pagsasagawa ng legal at matatag na aksyon laban sa mga gumagamit ng fake news upang guluhin ang kaayusan ng publiko,” pagbibigay-diin ni PGen Marbil.
Ang buong hanay ng kapulisan ay patuloy sa pagsasagawa ng mga hakbang laban sa fake news upang tiyaking totoo at tama ang mga impormasyong kumakalat sa mga online platforms.