Palo, Leyte – Buong pwersa ng PNP Police Regional Office 8 sa pamumuno ni Police Brigadier General Rommel Francisco Marbil, Regional Director, ay nasa Full Alert Status simula Oktubre 29, 2022 bilang paghahanda sa All-Saints’ Day at All Souls’ Day o Undas 2022 nitong Nobyembre 1-2, 2022.
Kaugnay dito, magpapakalat at magde-deploy ang iba’t ibang istasyon ng kapulisan sa mga pampubliko at pribadong sementeryo kasama na ang daungan, terminal at paliparan sa buong rehiyon upang siguruhin ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan.
Gayundin, ang mobilisasyon ng mga tauhan ng PRO 8 ay mas papaigtingin ang pagsubaybay sa mga insidente at mabilis na pagtugon sa iba’t ibang isyu. Papalawigin rin ang information awareness campaign sa pamamagitan ng security measures at iba pang public advisories tulad ng paglalagay ng mga Checkpoint o Public and Motorist Assistance Centers (P/ MACS) at paglalagay ng mga Police Help Desk.
Mahigpit ding ipatutupad ng mga kapulisan ang pagbabawal sa pag-inom ng alak, pagsusugal, pagdadala ng matutulis na bagay at baril, pagpapatugtog ng malakas na musika at iba pang pinagbabawal na aktibidad sa loob ng mga sementeryo. Ang mga mahuhuling lalabag sa mga ito ay may kaukulang parusa.
Higit pa dito, kaagapay at katulong ng mga kapulisan ang mga Advocacy Support Groups at iba pang force multipliers sa pagpapatupad ng Minimum Public Health Standards (MPHS) at magsisilbi silang mga marshal o patroller.
Mensahe ni PBGen Marbil, “Sisiguraduhin ng PRO 8 ang isang mapayapa at maayos na Undas 2022 sa suporta ng komunidad at mga barangay volunteers sa pagpapadali ng mga estratehikong hakbang upang maiwasan ang mga krimen at iba pang insidente kaugnay ng paggunita sa All Saints’ Day at All Souls’ Day”.
Ang PRO 8 ay patuloy na magpapakalat ng mga infographics na naglalaman ng mga crime prevention at safety tips para sa kaligtasan ng mga mamamayan ng rehiyon.