Camp Col. Juan Villamor, Bangued, Abra – Ganap ng naiturn-over ang mga relief goods at water desalination units sa Abra PNP sa pangunguna ni Police Colonel Alfredo Dangani na para sa mga biktima at lugar na nasalanta ng lindol ngayong araw ng Biyernes, ika-29 ng Hulyo 2022.
Matatandaan na sa lalawigan ng Abra ang epicenter ng magnitude 7 na lindol na nagpaguho sa mga kabahayan at gusali sa naturang lugar na hindi maitatangging nagdulot ng danyos sa buhay, kaligtasan at kabuhayan ng mga residente rito.
Naiturn-over sa Abra Police Provincial Office ang 1,604 na iba’t ibang food packs, 170 sako ng 25kg na bigas, 64 na kahon ng sari-saring delata, 100 kahon ng tubig, 49 na kahon ng noodles at 20 na kahon ng iba’t ibang biskwit.
Dagdag pa sa naibigay ang 3,000 na pares ng sapatos, at 7 units ng bladder tank kits na may 5,000L capacity at karagdagang 5 units ng bladder tank kits (1,500L), mga water desalination units na magbibigay ng malinis na inuming tubig para sa mga biktima na pangangasiwaan naman ng mga “Water Cops”.
Ang pamunuan ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ay agarang nagpadala ng mga kapulisan na personal na mangangasiwa sa pagbibigay ng relief goods at atensyong medikal sa mga naapektuhan ng kalamidad na pinamumuan ni Police Lieutenant Colonel Kathleen Lumbag kaagapay ang hepe ng Regional Police Community Affairs and Development Unit 1 na si PLtCol Dexter M. Paredes.
Samantala, patuloy ang paghahatid ng tulong ng hanay ng pulisya sa bayan ng San Juan, Abra kung saan personal na pinuntahan ang mga residente upang mabigyan ng tulong at malaman ang aktwal na kalagayan ng mga biktima.
Mananatiling laging handa ang bawat isang kapulisan upang matulungan at matugunan ang pangangailangang tulong ng bawat pamilya sa pamayanan lalo na sa panahon ng sakuna.
Panulat ni Patrolman Noel S. Lopez