Mariing itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na sila ang nagkalat ng umano’y dokumentong naglalaman ng extra judicial confession ni David Tan Liao, na nag-uugnay kay Alvin Que sa pagpaslang sa sariling ama.
Binigyang-diin ni PNP Spokesperson PBGen. Jean S. Fajardo na sensitibo at highly confidential ang naturang dokumento kaya hindi ito basta inilalabas sa publiko.
Giit niya, “Wala po tayong na-leak na any extra judicial confession.”
Maalalang nagkaroon ng press briefing sa Kampo Krame kung saan nabanggit lahat ng impormasyong tungkol sa estado ng imbestigasyon sa kasong Anson Que murder, sapagkat nasa kamay na ng PNP, maging ang mga respondents, ang kopya ng confession ni David Liao.
Hinggil dito, inatasan na ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco D. Marbil ang masusing imbestigasyon para alamin kung sino ang nasa likod ng pagkalat ng nasabing dokumento.
Titiyakin ng PNP na mananagot ang sinumang mapatutunayang nagbunyag sa sensitibong impormasyon.