Arestado ang pitong pulis dahil sa umano’y pangingikil sa isang 25-anyos na negosyanteng Chinese sa isinagawang checkpoint operation noong gabi ng ika-24 ng Abril sa Barangay Dongalo, Parañaque City, habang ang isa ay pinaghahanap pa.
Sa kabila ng pagpapakita ng Tsino ng mga dokumento ng kanyang sasakyan, inakusahan pa rin siya ng mga opisyal na peke ang kanyang mga papeles. Kaya naman, siya ay dinala, maging ang kanyang sasakyan, sa Santo Niño Substation.
“Sa loob ng istasyon, pinilit umano ang biktima na magbayad ng P100,000 mula sa inisyal demand na P300,000 upang matiyak na mai-release ang kanyang sasakyan. Ang bayad ay naiulat na naipadala sa pamamagitan ng interpreter na gumaganap bilang mediator,” pagdedetalye ng NCRPO.
Lumabas sa imbestigasyon ng Parañaque City Police Station na inaresto ang mga kasangkot na pulis at nahaharap sa kasong robbery (extortion) sa Parañaque City Prosecutor’s Office. Kasama rin sa iimbestigahan pa ang pagkalehitimo ng testimonya ng interpreter.
Tiniyak naman ni PNP Chief PGen Rommel Francisco D. Marbil sa publiko ang ‘zero tolerance’ o hindi pagkunsinti sa mga kawaning lumalabag sa batas.
“Kapag may isang nagkakamali, buong PNP ang naaapektuhan. Nasisira ang tiwala ng tao….Walang puwang ang second chances para sa mga lumalabag ng batas,” pagbibigay-diin ni PGen Marbil sa ginanap na Flag Raising noon ika-7 ng Abril.
Patuloy ang pagpapaalala ng Hepe sa buong hanay na itaguyod ang pinakamataas na pamantayan ng integridad at pananagutan sa paglilingkod sa bayan bilang alagad ng mga batas.