Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng mangilan-ngilang insidente sa kasagsagan ng 2025 National and Local Elections.
Ilang oras bago magsimula ang pagbukas ng mga voting centers sa bansa, nakapagtala ang Police Regional Office-Davao Region ng isang armed encounter sa pagitan ng mga supporters ng dalawang mayoralty candidates sa Barangay Mesaoy, New Corella sa Davao del Norte, na nagresulta sa pagka-aresto ng dalawang indibidwal habang sugatan naman ang dalawa pang iba.
Sa Silay City, Negros Occidental naman, isang shooting incident ang naitala sa Barangay Mambulac, na nauwi sa pagkamatay ng dalawang indibidwal habang lima naman ang naiulat na sugatan sa naturang pamamaril. Nakilala naman ang tatlong suspek at kasalukuyan ng tinutugis ng mga awtoridad, kabilang na rito ang Barangay Captain ng Barangay Lantad na si Arnie Benedicto.
Parehong insidente rin ang nangyari sa Barangay Rinabor, Bayang sa Lanao del Sur, na ikinamatay naman ng isang municipal councilor candidate na kapatid naman ng Barangay chairman ng Barangay Sumbag Bayong ng parehong bayan.
Sa Dinas, Zamboanga Del Sur, isa naman sugatan sanhi ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga supporters ng mga kandidato sa naturang lugar.
Sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte naman na nauna ng inilagay sa ilalim ng Comelec control, tinatayang nasa 100 polling centers pa rin ang hindi pa binubuksan ang pagboto para sa 2025 national and local elections.
Sa isang press conference, sinabi ni PRO BAR Public Information Office (PIO) Chief, Police Lieutenant Colonel Jovy Ventura, na nasa kabuuang 312 police personnel ang magbabantay sa 104 polling centers ng Datu Odin Sinsuat.
Matatandaang isinailalim sa COMELEC control ang bayan bungsod ng pagprotesta ng UBJ partylist members sa harap ng gate ng municipal hall ng nasabing bayan. Kung saan hinarangan nito ang agarang pagdala ng mga automated voting machines at iba pang mga election materials.
Samantala, ayon naman kay PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil, nananatili pa ring “generally peaceful” ang kasalukuyang isinasagawang NLE 2025 sa kabila ng mangilan-ngilang naitalang insidente sa ilang bahagi ng bansa.
Photo Courtesy by Navotas City Police Station