Nakapagtala ang PNP ng 28 insidente ng vote buying sa bansa kung saan 68 indibidwal ang sangkot kabilang ang 19 na naaresto at 22 na kasalukuyang pinaghahanap. Sa kabuuang bilang, limang (5) kaso ang hindi pa naisusumite, isa (1) ang nakapag-post ng piyansa, walo (8) ang for filing, walo (8) din ang na-dismiss, at anim (6) pa ang patuloy na iniimbestigahan.
Nagbabala si PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil sa lahat ng indibidwal at grupo na may balak manghimasok sa demokratikong proseso, aniya, “Ito ang tandaan niyo—kahit sino ka pa, gaano ka man kaimpluwensiya, kung ikaw ay sangkot sa vote buying, mananagot ka sa batas. Aarestuhin ka, kakasuhan, at uusigin. Buo ang paninindigan ng kapulisan na tiyakin ang malinis at tapat na halalan. Kaya kung sangkot ka, huminto ka na—dahil mahahanap at mahuhuli ka namin.”
Patuloy na pinaiigting ang operasyon kontra pagbili ng boto sa ilalim ng “Kontra Bigay” campaign, lalo na ngayong araw ng botohan, upang masiguro ang agarang pagresponde ng pulisya sa anumang ulat ng vote buying o iba pang paglabag sa halalan.
Hinihikayat ng PNP ang publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay sa halalan sa pinakamalapit na police station, at mga opisyal na hotline at social media pages ng PNP. Bawat ulat ay mahalaga sa ating kolektibong layunin na protektahan ang demokrasya.
Source (PNP-PIO)