Opisyal ng naglunsad ang Philippine National Police (PNP) ng Nationwide Commission on Elections (COMELEC) checkpoints nito lamang Enero 12, 2025, bilang pagsisimula ng election period para sa May 12, 2025 National and Local Elections (NLE) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Parliamentary Elections (BARMM PE). Ito ay hudyat ng nationwide na pagpapatupad ng gun ban at iba pang mas pinahigpit na hakbang sa seguridad bilang paghahanda sa nalalapit na eleksyon.
Ang pagtatalaga ng mga checkpoint na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng PNP na tiyakin ang isang ligtas at maayos na kapaligiran para sa halalan. Ang mga checkpoint ay ipapatupad sa mga pangunahing lokasyon sa buong bansa, kung saan itatalaga ang mga tauhan ng PNP upang magbantay at ipatupad ang mga batas na may kinalaman sa eleksyon, kabilang na ang pagbabawal sa pagdadala ng armas.
“Nananawagan kami sa publiko na lubos na makipagtulungan sa mga pulis na naka-deploy sa mga checkpoint. Ang mga hakbang na ito, kabilang ang gun ban, ay mahalaga upang masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa panahon ng halalan. Sa sama-samang pagkilos, makakamit natin ang isang ligtas at maayos na proseso ng eleksyon,” ani Police General Rommel Francisco Marbil, Chief, PNP.
Binigyang-diin din ng PNP na ang mga ipinapatupad na security protocols ay para sa kaligtasan ng publiko at alinsunod sa mga direktiba ng COMELEC. Ang lahat ng checkpoint ay isasagawa ayon sa itinakdang mga alituntunin upang masiguro na ang karapatan at privacy ng bawat mga indibidwal ay mapanatili.
“Hinihikayat namin ang lahat na habaan ang pasensya at pag-unawa habang isinasagawa ang mga hakbang na ito. Ang mga ito ay para sa inyong kaligtasan, at inaasahan namin ang patuloy ninyong pakikiisa upang gawing mapayapa at ligtas ang panahong ito ng halalan,” dagdag pa ni PGen Marbil.
Patuloy na tututukan at sisiguraduhin ng PNP ang seguridad ng buong proseso ng halalan, katuwang ang iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas at mga election authorities.