Nagbabala sa publiko si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar na maging mapanuri at mag-ingat laban sa mga scammer na ginagamit ang pangalan ng mga kilalang personalidad, partikular na ang mga pulitiko, upang makapanloko.
Ito ay matapos maaresto ng Caloocan City Police noong Nobyembre 5 ang limang (5) katao sa Camarin, Caloocan City dahil sa pagbebenta ng Daily Time Records sa halagang 30 pesos bawat isa sa mga residenteng tatanggap dapat ng suweldo mula kay Senator Manny Pacquiao dahil sa paglilinis sa komunidad.
Nagpanggap ang mga suspek bilang tauhan ni Senator Pacquiao at inutusan di umano silang kumuha ng mga maglilinis na babayaran ng Php7,500.
Mariin namang itinanggi ni Senator Pacquiao na may kinalaman siya dito.
Ayon kay PGen Eleazar, bukod kay Senator Pacquiao, marami pang pulitiko ang ginagamit sa naturang modus operandi upang makapambiktima at mangalap ng pera.
“Maraming mga manloloko sa panahon ngayon na sasamantalahin ang pangangailangan at desperasyon ng ibang tao para pagkakitaan,” ani PNP Chief Eleazar.
“Hinihikayat ko ang publiko na huwag mag-atubiling dumulog sa pulisya at maghain ng reklamo kung nabiktima kayo ng ganitong scam. Sinisiguro ko sa inyo na papanagutin natin ang mga nasa likod nito,” giit ng hepe.
Photo Courtesy: Istock
#####
Panulat ni: Police Corporal Josephine T Blanche