Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko laban sa mga online scammer na nag-aalok ng mga tour package na tila masyadong maganda upang maging totoo habang tumataas ang summer travel season.
Inihayag ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang paalala nang arestuhin ng Anti-Cybercrime Group (ACG) ng pulisya ang 45 katao dahil sa cybercrimes mula Abril 11 hanggang 17 alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa cybercrimes.
“We urge everyone to verify the legitimacy of travel agencies and booking platforms before making any transactions,” pahayag ni PNP Chief Marbil.
“To cybercriminals preying on innocent citizens, especially during this peak travel season, be warned: the PNP is actively monitoring, patrolling, and ready to act. There will be no safe space for scammers in the digital world,” dagdag pa ni CPNP Marbil.
Nagsagawa ang PNP-ACG ng 313 cyber patrolling activities at 13 digital forensic examinations mula Abril 11 hanggang 17, na nagresulta sa pagkakaaresto sa 45 na katao, kabilang ang 32 sa pamamagitan ng entrapment operations.
Nanawagan ang ACG sa publiko na manatiling mapagbantay at agad na iulat ang anumang kahina-hinala o nakakapinsalang aktibidad sa online sa pamamagitan ng opisyal na hotline ng ACG at mga na-verify na social media account.