Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na makikipag-ugnayan sila sa Department of Justice (DOJ) para alisin ang pangalan ng anak ng dinukot at pinatay na negosyanteng si Anson Que sa mga listahan ng respondents.
Ayon kay PBGen Jean S Fajardo, walang direktang ebidensyang nakita ang PNP na magdidiin kay Alvin Que bilang pangunahing suspek kaugnay sa nangyaring pagdukot sa kaniyang ama, matapos itong mabanggit sa salaysay ni David Tan Liao na isa sa mga itinuturong utak sa krimen.
Sa ginanap na press briefing ngayong Mayo 1 sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Spokesperson at PRO3 Director na si PBGen Jean S. Fajardo na magsusumite sila ng motion to amend the complaint sa DOJ bukas, ika-2 ng Mayo, upang tuluyang maalis sa listahan si Alvin Que.
Maalalang noong ika-28 pa ng Abril ay nagpahayag na ang PNP Anti-Kidnapping Group ng intensyon na tanggalin ang pangalan ni Alvin Que sa kaso, ngunit inatasan umano sila ng DOJ na magsumite muna ng pormal na dokumento upang tuluyang maalis ang pangalan na nabanggit.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon upang tuluyang wakasan ang krimen, kasabay ng mahigpit na koordinasyon ng PNP sa pamilya ng biktima.