Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ang pag-aresto kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa Tangerang City, Banten province, Indonesia noong alas-11:58 ng gabi ng Setyembre 3 ng Indonesian Police.
Ipinakita ni PNP PIO Chief Colonel Jean Fajardo ang mga larawan ni Guo bilang patunay ng kanyang pagkaaresto sa isang press briefing sa Camp Rafael T Crame noong Miyerkules, Setyembre 4, 2024.
Sinabi ni PCol Fajardo na target nilang maibalik si Alice Guo sa bansa ngayong araw, Setyembre 4, 2024 o ilang oras lamang matapos itong arestuhin sa Indonesia.
Ilang linggo nang pinaghahanap ng awtoridad ang dating alkalde matapos akusahan sa kasong money laundering, at pagprotekta sa mga online casinos na naging dahilan ng paglaganap ng mga scam center at sindikato ng human trafficking sa Bamban na kanyang pinagsisilbihan bilang alkalde noon. Nahaharap din siya sa mga reklamo tungkol sa umano’y pagkakasangkot niya sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa at mga katanungan tungkol sa kanyang pagka-Pilipino.
Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na nais nina PNP Chief General Rommel Marbil at SILG Atty. Benjamin Abalos Jr. na maibalik sa bansa sa lalong madaling panahon ang dating alkalde na ang tunay na pangalan ay Guo Hua Ping.
“The intention of the SILG and the Chief PNP is, within the day, we can get the custody of Alice Guo,” sabi ni PCol Fajardo.
“We have two options, whether the police attache will escort [Guo] or it would be the SILG and the Chief PNP who will travel to Indonesia to fetch Guo,” dagdag pa ni PCol Fajardo.
Samantala, nagpasalamat si PCol Fajardo sa kooperasyon ng Indonesian National Police para maaresto ang nasabing dating alkalde.
Panulat ni Tintin