Inaasahang magpapadala ang Philippine National Police (PNP) ng all-female police unit bilang kasapi ng Pilipinas sa mga darating na United Nations Peacekeeping missions, iyan ay ayon kay Police Major Sancho Celedio ng UN Peacekeeping Center Screening and Deployment Section.
Dagdag pa ni PMaj Celedio na bahagi aniya ang pagdeploy ng all-women formed police unit sa kampanya ng bansa na mas palakasin at pagtibayin pa ang kontribusyon nito sa pagpapanatili ng kapayapaan partikular na sa mga bansang sakop ng UN Peacekeeping Mission.
Idinetalye naman ni PMaj Celedio, na kasalukuyan pang may mga nakadeploy na PNP personnel sa South Sudan na bahagi naman ng United Nations Mission in South Sudan (UNMISS).
“Currently, we have 25 police personnel there (South Sudan) at mayroon ding tropa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) in another country in Africa,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi naman ni PMaj Celedio na maituturing umanong rewarding experience ang pagiging miyembro ng peacekeeping team.
“Sa amin, one year lang naman talaga ang deployment [For us, our deployment only lasts a year] and once we complete the tour of duty, we are officially received as ambassadors of our country, represented our organization and our country in another place performing official duties,” saad pa niya.
Matatandaang mahigit 60 taon ng naging bahagi ang Pilipinas sa UN Peacekeeping Mission kung saan nakapagpadala ito ng peacekeeping contingents sa tinatayang 21 UN Peacekeeping Missions.