Umapela ang buong hanay ng Pambansang Pulisya sa pamumuno ni Police General Rommel Francisco D Marbil, PNP Chief, sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa paglaban at pagsugpo sa anumang uri ng vote buying at vote selling ngayong nalalapit na National and Local Elections (NLE) 2025.
Ayon sa PNP, mas pinaiigting nila ang pagtutok ngayon hindi lamang sa mga COMELEC checkpoints kundi maging ang mga posibleng kaganapan ng vote buying at vote selling hanggang sa darating na halalan sa May 12.
Matatandaang nauna ng inilunsad ng Commission on Elections (COMELEC) ang Committee on “Kontra Bigay” or CKB nito lamang February, kung saan binibigyan nito ng kapangyarihan ang PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng surveillance, mag-validate ng mga ulat, at agad na umaksyon laban sa mga lumalabag sa batas ng halalan partikular na sa vote buying at vote selling.
Sa ilalim ng pinalakas na “Kontra Bigay 2.0”, mahigpit na babantayan ang mga aktibidad na maaaring maituturing na vote-buying at vote-selling, gaya ng pamamahagi ng pera, produkto, o campaign materials upang impluwensyahan ang boto ng mga mamamayan. Ang sinumang mahuhuling gumagawa nito ay maaaring arestuhin agad kahit walang warrant.
Ang vote buying at vote selling ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 881, at may mga parusang pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon at hindi sasailalim sa probation. Bilang karagdagan, ang nagkasalang partido ay hahatulan ng diskwalipikasyon upang humawak ng pampublikong katungkulan at aalisan ng karapatan sa pagboto.
Samantala, tiniyak naman ng PNP ang publiko na handa ang buong hanay sa pakikipagtulungan ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan upang maipatupad ang kapayapaan at masiguro ang tapat, maayos, at malinis na halalan 2025 sa buong bansa.
Photo Courtesy by Carmen Municipal Police Station