Nagbigay ng pahayag ang Philippine National Police (PNP) sa ginanap na press briefing noong ika-6 ng Setyembre sa Kampo Krame na hindi maaaring iharap sa Senado si Alice Guo kung walang maayos na court order.
Ipinaliwanag ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo ang paninindigan ng PNP na hindi basta-basta ang pagdala sa dating alkalde na si Alice Guo sa mga hearing na gaganapin sa Senado kabilang ang nakaiskedyul na hearing sa Lunes nang walang inilalabas na court order.
“Ito po yung predicament ng PNP, if you can say that as a predicament because we cannot bring Alice Guo on Monday in the Senate without a proper court order,” pagbibigay-diin ni PCol Fajardo.
“The process should be, Senate Sergeant-at-Arms should request the court to direct PNP to bring Alice Guo before the Senate so she could face the ongoing hearings,” dagdag pa ng PNP Spokesperson.
Ibinahagi din ni Fajardo na ang inisyal na plano ng PNP matapos i-turn over ang kustodiya ni Guo mula sa Indonesia ay isilbi ang arrest order ng Senado. Nauna nang naglabas ang Senado ng utos ng pag-aresto laban kay Guo dahil sa paglaktaw ng maraming imbestigasyon sa umano’y kaugnayan nito sa mga ilegal na Pogos (Philippine Offshore Gaming Operators).
“Ang PNP, kasama ng ibang law enforcement agencies, ang naatasan po na isilbi po ‘yan at ‘yan po sana ang initial plan ng PNP kahapon na kapag naitransfer o naiturn over ang custody ni Alice Guo ay ise-serve po sana ng Senate Sergeant -at-arms ‘yong arrest order,” ani PCol Fajardo.
Gayunpaman, ipinaliwanag ni PNP Spokesperson PCol Fajardo na ang warrant of arrest na inisyu ng RTC Branch 109 laban kay Guo noong Huwebes dahil sa paglabag sa mga probisyon ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ay “precedence” bago ang arrest order ng Senado.
“With due respect sa ating senadora, ‘yong warrant of arrest issued by our judicial court takes precedence over the arrest order issued by the Senate. Since nai-serve po sa kanya ‘yong warrant of arrest, the PNP as a matter of procedure is obligated to return the warrant of arrest before the court,” paliwanag ni PCol Fajardo.
Samantala, sinabi ng PNP Spokesperson na dapat humiling ang Senado ng court order sa tuwing hihilingin nila kay Guo na dumalo sa kanilang mga pagdinig.
Sa panulat ni Tintin