Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar na nakahanda ang PNP para tumulong sakaling mag-umpisa na ang pilot run ng face-to-face classes sa mga pribado at pampublikong paaralan sa buong bansa.
Inatasan na rin ng hepe ang lahat ng unit commanders na makipag-ugnayan sa mga lokal na opisina ng Department of Education at Commission on Higher Education upang talakayin kung paano makatutulong ang PNP sa pagsisimula ng face-to-face classes.
Una ng inihayag ni Education Secretary Leonor Briones na 90 pampublikong eskwelahan ang inapruban para sa pilot run ng face-to-face classes na magsisimula sa ika-15 ng Nobyembre.
Sa Nobyembre 22 naman gagawin ang pilot run sa 20 pribadong paaralan.
“Kasama ang inyong PNP na sumusuporta sa unti-unti nating pagbabalik sa normal at patuloy ding nakatutok ang inyong kapulisan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa hindi lang sa banta ng COVID-19 kundi pati na rin sa iba pang banta sa seguridad ng ating mga guro at estudyante,” pahayag ni PGen Eleazar.
Photo Courtesy: news.abs-cbn.com
####
Article by Police Corporal Josephine T Blanche