Binigyang diin ni Police General Rommel Francisco Marbil, hepe ng Pambansang Pulisya, na marapat pangalagaan ng kapulisan ang kanilang dignidad bilang mga unipormadong kawani ng gobyerno.
Sa kanyang talumpati sa flag raising ceremony na ginanap sa Camp Rafael T. Crame sa Lungsod ng Quezon nitong Lunes, ipinahayag ng punong pulis ang kanyang pagtutol sa paninilbihan ng mga pulis bilang tagahawak ng payong, tagapagmaneho, o bodyguard ng mga VIP.
“Hindi po tama ‘yan. Hindi ganyan ang trabaho ng pulis,” sambit ng heneral habang tinutukoy ang mga gawaing nagpapababa sa dignidad ng kapulisan.
Hinikayat ni Gen. Marbil ang kapulisan na protektahan ang imahe ng hanay at irespeto ang uniporme ng kapulisan.
“Hindi po tayo tao na basta basta. Pulis po tayo,” pagbibigay diin ng CPNP na ang mga pulis ay mga propesyunal na kawani ng gobyerno.
“Pakita po natin na tayo’y taong may dignidad. Hindi po tayo bodyguard. Hindi po tayo drayber, hindi po tayo alalay, hindi po tayo bayaran,” dagdag ng heneral.
Ipinagbawal ng opisyal noong pagdiriwang ng ika 123 anibersaryo ng PNP ang pagpapayong ng mga Patrolman/Corporal sa mga VIP na dumalo sa gawain.
Kamakailan lamang ay inimbestigahan ang ilang pulis na nag “moonlighting” bilang mga bodyguard ng isang Chinese VIP at isang pulis na nagpatigil ng trapiko sa Commonwealth para sa isang di nakilalang VIP.
Sinabi ng pamunuan na ang mga hakbang na ito ay hindi lamang upang mapangalagaan ang dignidad ng kapulisan bagkus ay para na rin magamit nang wasto ang pwersa ng kapulisan sa pagpapanatili ng katahimikan at pagsugpo sa kriminalidad.