Pinarangalan ng Philippine Military Academy (PMA) ang outgoing Philippine National Police (PNP) Chief na si Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar sa ginanap na Testimonial Parade and Review kahapon, Nobyembre 7.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si PGen Eleazar sa PMA dahil sa pagkilala sa higit 30 taon niyang pagseserbisyo sa bayan.
“I would like to extend our appreciation and gratitude on this very occasion to the PMA that has brought us the honor, ang pagkakataon na makapagsilbi sa ating bayan. Let me say that the PMA has indeed given me this opportunity na siyang nagbago sa buhay naming mga PMAers. Na siyang nagbigay ng pagkakataon upang mas lalo tayong maging karapat-dapat sa paglilingkod sa ating bayan,” pahayag ni Eleazar.
“I can’t help but reminisce sa nakaraan. April 1,1983 when I reported here. At iyon na, nagbago ang lahat sa aking buhay. But after 34 years, nandito ako ngayon. Humaharap sa inyong mga kadete ng PMA na nagsasabing nabigyan ng pagkakataon ang inyong abang lingkod, kagaya ng iba pa nating alumni ng PMA, na makapaglingkod sa ating bayan,” dagdag pa ng hepe.
Sinabi ni PGen Eleazar na maraming hamon ang kinahaharap ng PNP at malaki ang expectation ng publiko dahil mataas na sahod at benepisyo sa mga tauhan nito, na siyang nag-udyok sa kanya na paigtingin ang reporma sa buong hanay ng pulisya.
Naging sentro ng liderato ni PGen Eleazar ang Intensified Cleanliness Policy (ICP) na nakabatay sa “Broken Windows Theory” kung saan dapat masolusyunan agad ang maliit na problema bago pa man ito lumala.
Ang ICP ay nahati sa tatlong (3) kategorya: ang Intensified Cleanliness Policy in the Offices, Intensified Cleanliness Policy in the Ranks, at Intensified Cleanliness Policy in the Community.
Hinimok ni PGen Eleazar ang mga kadete na pairalin ang kaparehong reporma kapag sila na ang mamumuno sa kani-kanilang units, offices o sa organisasyon.
“As future commanders in your respective areas, ito ang kailangan nating gawin sa ating mga respective units. While it is true, well of course ang AFP you have a different organization, but the set-up is the same and we have learned so much from the military as they are our partners in the different programs that we have in the performance of our duty,” wika ni PNP Chief Eleazar.
Samantala, nakatakdang magretiro si PGen Eleazar sa darating na Nobyembre 13. Siya ay kabilang sa PMA Hinirang Class of 1987 at ang ika-anim (6) na PNP Chief na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
#####
Panulat ni: Police Corporal Josephine T Blanche